Breaking News, Showbiz

Andre Yllana handang-handa na sa pag-aartista; JM Yosures TNT Grand Champion!

ISA sa mga anak ng showbiz personalities gaya ni Andre Yllana (anak ni Aiko Melendez sa actor-politician, Jomari Yllana) ang prinayoridad muna ang pag-aaral bago subukang sundan ang yapak ng kanilang magulang, ang pag-arte. 

It’s about time for Andre na pasukin ang mundo ng showbiz dahil malapit na rin nitong matapos ang kursong Automotive Mechanic sa Don Bosco Technical Institute.

At ngayong pumirma na rin ang anak ni Aiko sa Viva Artists Agency (VAA), kalakip nito ay ang pagseseryoso sa bagong landas na kanyang tatahakin, ang showbiz.

Sa isa niyang panayam, sinabi ni Andre na handang-handa na siya para seryosohin ang (mundo ng) showbiz.

“Handang-handa na po ako kasi patapos na rin po kasi ako sa pag-aaral po, eh. Yon po ang naging hadlang dati po. Nahihirapan po ako pagsabayin.

“Pa-graduate na rin po ako ngayon, OJT na lang po kaya sure na sure na po tayo ngayon,” ayon pa kay Andre.

Si Andre ay panganay na anak ni Aiko kay Jomari na ngayo’y nakakaladkad ang pangalan sa isang kontrobersiya, ang ‘di umano nito pagbibigay sustento sa ex-partner na si Joy Reyes, kung saa’y may dalawa itong anak.

Hindi lingid kay Andre ang isyu at aniya’y ayaw niyang makisawsaw dito dahil wala naman daw silang problema ng kanyang ama.

“Mas okey po ang relationship namin ngayon than before.

“Tungkol sa isyu, wala po akong say diyan. Kasi siyempre po, respeto na rin po sa mga kapatid ko, pati kay Tita rin po dahil we’re on good terms naman din po. So I just refuse to answer that question po.” matipid nitong pahayag.

Aware daw siya sa mga celebrity issues na napapalaki dahil public figure sila.

“Throughout the years po, hindi po maiiwasan yung questions tungkol kay Mom pati kay Daddy. Siyempre, yung issues ng both parties minsan tinatanong din po ako.

“So, kumbaga, growing up, talagang nasanay na rin po ako dahil hindi na po nawala yung mga questions na ganoon.”

Hindi rin maiiwasang intrigahin ang bagets aktor na kaya naman daw nakilala ay dahil sa mga sikat niyang magulang?

“Yon ang isa ko pong goal din, makapagtayo ng sarili ko pong name na hindi lang po anak ni Aiko at anak po ni Jomari. In the future po sana, makapagtayo po ako ng sarili kong name, makikilala po ako as Andre Yllana.”

Bilang ina, humihingi ng suporta ang aktres para sa kanyang anak na si Andre sa bagong larangang pinasukan.

Naniniwala naman ang madlang pipol na isang kaabang-abang na aktor si Andre dahil nasa genes na nito ang pag-arte at magaling sa pakikiharap sa mga tao.

                                                          *****

            JM Yosures, 4th Tawag Ng Tanghalan Grand Champion!

GAYA ng inaasahan, si  JM Yosures ng Taguig City ang tinanghal na 4th season Tawag ng Tanghalan grand champion sa pagtatapos ng huling tapatan ng anim na grand finalists nitong nakaraang February 6, Saturday sa ‘It’s Showtime.’ Unang round pa lang bakbakan na ng boses ang anim na grand finalists subali’t nanaig ang galing ng boses ng tatlong contestants na sina  Ayegee Paredes ng Bukidnon, JM Yosures ng Taguig City, at  Rachel Laylo ng Batangas na nagpatuloy sa huling tapatan..

Sa huling kabogan ng boses, medley ni Rey Valera  ang kinanta ni Ayegee,  Lady Gaga hits naman  ang kinanta ni JM  at ang kanta ng mga Aegis ang ipinanlaban ni Rachel.

Pagkatapos balansehin ang scores mula sa mga hurado at text votes, tinanghal na 3rd placer si Ayegee, second placer naman si Rachel at grand winner si JM na halos ‘di makapaniwalang naka-jackpot siya nang araw na iyon.

Sa kanyang pahayag sa ‘TV Patrol,’ sinabi ni JM na hindi siya makapaniwalang siya ang tatanghaling grand winner, “Parang ‘di po totoo eh, kasi talagang ‘di ko  plinano, never ko pong plinano  na sumali sa Tawag ng Tanghalan, it just happened. Tapos ngayon po, ako ang champion. Parang ‘di po talaga ako makapaniwala.” mangiyak-ngiyak nitong mensahe.

Dahil sa panalo, makakatanggap si JM ng P1-M in cash, brand new house-and-lot from Lessandra, recording contract from Star Magic, trophy gawa ni Toym Imao .

Sa talaan ng pinakaunang scores, pinakamababa ang score ni JM sa mga hurado pero nahatak ng text votes (50%) ang kanyang kakulangan para makuha ang pinakamataas na pinagsamang hurado at madlang pipol votes.

Sa kanyang pahayag sa TV Patrol nitong Sabado, “Wala rin talaga akong expectations na mananalo talaga ako dito dahil sila  yong eksperinsiyado  and I was a blank profile po at wala akong fans before.” sey ni JM.

Graduate ng Industrial Engineering si JM mula UP-Diliman at nitong  pandemya, nakatuon ang kanyang oras at panahon  sa paghahanap  ng trabaho at saktong nabalitaan nito ang audition sa Tawag ng Tanghalan at sinubukan niyang sumali hanggang ‘ika nga’y the rest is history.

Ngayon, time out muna siya sa pagiging Engineer at haharapin muna nito ang tagumpay at kasikatang dulot ng pagiging grand champion ng Tawag ng Tanghalan at ang oportunidad na mapasama sa regular cast ng ASAP Natin ‘To tuwing Linggo sa Kapamilya Channel at TV5.

(TSIKA NI LOLA ni ADOR SALUTA / BISTADODAILYNEWS.NET)