Breaking News, Showbiz

Allen Dizon gaganap na eskultor na may sayad

AMINADO ang award-winning actor na si Allen Dizon na ang pelikulang ‘Abe-Nida’ ang pinaka-daring niyang proyekto sa 22 years ng kanyang showbiz career.

Pahayag ni Allen, “Ito yung pinaka-daring kong movie, wala pa akong ginawang ganito, wala pa. Kasi, may masturbation scene ako rito, may nude, lalakad ako na nakahubad, parang ‘di ko pa ginagawa ang mga ito, eh.”

Ang ‘Abe-Nida’ ang passion project at bagong obra ni Direk Louie Ignacio na mula sa istorya ni Direk Louie mismo at sa script ni Direk Ralston Jover. Ito ang hudyat sa pagbabalik ng BG Productions International ni Ms. Baby Go sa pagagawa ng pelikula.

Gaganap na eskultor dito si Allen at misis niya sa pelikula si Katrina Halili.

Ano ang maasabi niya na pahirap nang pahirap ang mga natotoka sa kanyang papel sa pelikula?

“Iyon nga eh, parang ang hirap yata ng role ko, di ba? Parang lahat nang mahihirap na role sa akin ibinibigay? Pero siguro ano, nagkakataon lang. Hindi kasi ako ang tipo ng artista na gusto kong role ay ganyan dapat, ang pangarap kong role ay ganito…hindi, eh. Nagkakataon lang na dumarating ang role na ibinibigay sa akin and good thing na napaka-challenging ng mga character,” nakangiting saad niya.

Pagpapatuloy pa ni Allen, “And hindi ko pa alam kung ano ang gagawin ko sa pelikula.

“Kasi, nang binasa ko ang script, kahit nabasa ko na, hindi ko pa rin alam yung role ko, kung ano yung character ko. Pero ang alam ko ay baliw siya, artist siya, umuukit, at magaling na eskultor.”

Challenge sa kanya ang proyektong ito at positibo ang pananaw ni Allen sa bago niyang pelikula.

Wika niya, “Feeling ko itong ‘Abe-Nida,’ kung magagawa namin nang maayos ang movie ay marami ring hahakuting award, kung magawa namin nang maayos ng team, sina Katrina, Direk Louie, at ako, siguro, siguro…

“Maganda yung scipt and napaka-dark ng film, para kang gumagawa ng international movie, parang ganoon. Kasi karamihan naman ng ginagawa ko, iyan, iyong pipi, tapos naging bulag ako, naging battered husband ako.  So, nakikita natin iyon sa mga ibang pelikula, na kahit paano ay may gumaganap pa naman niyon, eh.

“Pero itong mga ganito, ito medyo mahirap, iyong baliw-baliw, iyong artist na may sayad na role, parang wala pa akong nakikitang gumagawa nito sa atin? So, bago sa akin itong papel na ito at nandoon yung challenge.”

Tampok din sa pelikula sina Maureen Mauricio, Vince Rillon, Leandro Baldemor, at ang Pola, Oriental Mindoro mayor na si Ina Alegre.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)