Breaking News, Showbiz

Allen Dizon at Katrina Halili excited na sa pagsasamahan nilang pelikula

EXCITED na sina Allen Dizon at Katrina Halili dahil malapit nang magsimulang gumiling ang camera para sa pagbibidahan at pagsasamahan nilang pelikulang ‘AbeNida’ sa direksyon ni Louie Ignacio at sa ilalim ng produksyon ng BG Productions, na nagbabalik sa paggawa ng pelikula.

Gaganap sina Allen at Katrina bilang mag-asawa sa kanilang unang pagtatambal sa pelikula. Nagkasama na raw sila dati sa isang TV show pero hindi sila nagkaroon ng eksena together.

Ayon nga kay Allen, “Nakaka-excite kasi first time naming magsasama ni Katrina sa pelikula. Tapos mag-asawa pa kami and may matitinding mga eksena, daring. Kailangan talaga yung rapport, yung chemistry niyo meron talaga. Yun ang tatrabahuhin namin ni Katrina, yun ang tatrabahuhin namin with Direk Louie.”

Dahil magkakilala na sila, so wala na bang awkward moments sa maseselan nilang mga eksena? “Siguro kasi matagal na rin kaming nag-aartista pareho. At saka alam na namin yung pagrespeto sa isa’t isa. Yung the way kung paano gawin yung mga eksena siguro si Direk Louie ang makakapag-explain nun sa amin.”

Nae-excite rin si Allen sa role niya bilang mang-uukit na may sayad o baliw na first time niya raw gagawin.

Thankful din si Allen kay Madam Baby Go ng BG Productions dahil sa patuloy na tiwala at pagbibigay ng magandang proyekto sa kanya. Maraming beses na siyang nanalo ng awards para sa mga pelikula niya produced by BG Productions.

Samantala, si Katrina naman ay lalo pang na-amaze sa achievements ni Allen nang malaman niyang mayroon na itong 44 best actor awards.

“Hindi ko nga alam na marami. Akala ko lately lang. Naririnig ko nga na siya yung Best Actor, ganun. Nakaka-pressure nang konti pero mas excited kasi syempre magaling na artista yung makakatrabaho mo. Kasi mas lalo kang napo-focus e, di ba pag magaling ang kaeksena mo madadala ka,” sabi ni Katrina.

Matagal ding hindi gumawa ng pelikula si Katrina dahil mas ginusto nga niyang mag-focus sa telebisyon. Pero noong ialok daw sa kanya ang movie na ito ay nagandahan siya sa istorya at sa kanyang role kaya tinanggap niya ito kahit pa may mga sexy na eksena.

Dagdag pa ni Katrina, “Sobrang na-excite po ako kasi maganda yung movie tapos ilalaban sa abroad (international film festivals). Tapos si Direk Louie ang direktor, at saka si Allen makakasama ko pati sina Direk Joel Lamangan at Direk Laurice Guillen. Nae-excite ako kasi magagaling yung mga kasama ko. Siyempre pag magagaling ang mga kaeksena mo marami kang matututunan sa kanila. Pero syempre nakaka-pressure din po kasi kailangan galingan mo rin talaga para hindi ka mapahiya.”

Dual roles ang gagampanan ni Katrina sa ‘AbeNida’ na first time niya raw gawin. Matagal na raw niyang gustong magkaroon ng ganitong role kaya thankful siya kina Direk Louie at Madam Baby Go sa pagbibigay sa kanya ng proyektong ito.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS.NET)