Breaking News, Showbiz

Aiko, Katrina, at Jillian ibinida ang mga pasabog sa ‘Prima Donnas’

SA pagtatapos ng top rating TV series ng GMA-7 na ‘Prima Donnas,’ tumodo na nang husto ang ratings nito.

Sa last two weeks nito, record-breaking ang nakuhang ratings ng kanilang teleserye na sadyang nakakalula ang taas. Una ay 13.4 % na sinundan ng 13.7 %, and last Feb. 11 ay lalong humataw ito nang pumalo ang rating nila sa 14.2 percent.

Ang tatlong ratings na nabanggit ang all time highest ratings sa afternoon series sa bansa.

Inusisa namin ang ilan sa lead stars nito na sina Aiko Melendez, Katrina Halili, at Jillian Ward kung ano ang dapat abangang pasabog sa ‘Prima Donnas’ sa pagtatapos nito.

Saad ni Ms. Aiko, “Iyong story and twists po ang dapat abangan po kung mahuhuli na ba si Kendra? Ano ang ipaparusa sa kanya kung mahuli siya po, at marami pang iba.”

Si Kendra ang papel dito ni Aiko sa naturang serye na tinatampukan din nina Wendell Ramos, Chanda Romero, Benjie Paras, at iba pa.

Pahayag naman ni Katrina, “Marami pa pong dapat abangan, anong mangyayari kay Lilian (Katrina), Ruben (James Blanco), at Jaime (Wendell).

“Plus, kapag nalaman na kung sino talaga ang mastermind sa lahat ng gulo na nangyari, anong mangyayari kay Brianna (Elijah Alejo) at kay Kendra… ano ang mangyayari kapag nalaman ng mga Claveria na inosente talaga si Lilian sa simula pa lang?”

Dagdag pa niya, “Sobrang happy namin na hindi bumitaw ‘yung mga nanonood sa amin, kahit nawala kami ng eight months.”

Sa panig naman ng teen star na si Jillian, sinabi niyang na-overwhelm siya sa suporta ng televiewers.

Saad niya, “Masaya po, dahil alam ko po na marami kaming napapasaya at nai-inspire. Lalo na po at ang message ng show namin is huwag susuko at laging magmahalan lang po ang pamilya, ang mga magkakapatid… parang tulad ng mga Donnas po.”

Dagdag pa ni Jillian, “Nakaka-overwhelm po ang suporta ng public dahil talagang tutok na tutok po sila sa show po na pinaghirapan namin.

“Lalo na po noong nag-lock-in taping kami, mas mahirap po ang trabaho pero todo effort po ang buong Prima Donnas family para mapasaya po ang viewers namin at para po mas mapaganda pa ang show.”

Ano’ng dapat abangan sa pagtatapos ng serye nila?

“Abangan po nila kung kailan po mabubuko si Kendra at Brianna. Kung ano po ang mangyayari sa pamilya Escalante, and kay Ruben po, dahil nga may sakit siya at anong gagawin ni Mayi (character ni Jillian) ‘pag nalaman niya,” lahad pa ni Jillian.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)