Nasawi ang anim katao kabilang ang dalawang paslit nang sumiklab ang nasunog sa isang residential building, sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat, mga miyembro ng dalawang pamilya ang mga nasawi na hindi pa ibinunyag ang pagkakakilanlan habang isinusulat ang balitang ito.
Tinukoy ang mga biktima na dalawang bata at apat na matanda, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa ulat ng Bureau of Fire-Manila, nagmula sa ika-3 palapag ang apoy ng isang four-storey residential building na pag-aari ng pamilya ni Nida Rivera Pili ang nasunog sa No. 1247 Blumentritt St. Sampaloc, Manila.
Nagsimula ang apoy 2:40 ng madaling araw na umakyat sa 2nd alarm pagsapit ng 2:50 ng madaling araw hanggang sa fire under control 3:47 at fire out ng 4:24 ng madaling araw ni Fire Senior Supt. Aristotle Bañaga.
Isang bahay lang ang naapektuhan na tinatayang humigit-kumulang sa P120,000.00 ang napinsalang ari-arian habang nasa siyam na pamilya o 27 indibiduwal ang naapektuhan.
Umabot sa 63 trak ng bumbero ang rumesponde na kinabibilangan ng 12 mula sa BFP, 40 volunteer at isang truck ng local government unit, at 3 ambulansya.
Naging pahirapan ang pagpasok sa nasusunog na bahay dahil sa sobrang sikip ng eskinita papasok na halos isang taon lang ang nagkakasya, ayon sa BFP.
Ayon sa mga bumbero, natagpuan ang tatlong bangkay sa ika-4 na palapag habang ang tatlo pa ang nakita sa ground floor na pinaniniwalaang nahulog mula sa ikalawang palapag nang matupok dahil yari sa kahoy ang sahig.
Iniimbestigahan pa ng BFP ang dahilan ng sunog at sinisilip ang anggulo ng posibleng electrical wiring problem