Tatlong banyaga ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagsasagawa ng medical malpractice sa Pampanga.
Kabilang rito ang mga Vietnamese na sina Nguyen The Thang at Mai Quy Loc, na kilala rin bilang Do Thi Binh, at ang South Korean na si John Suk, alyas John Seuk at Suk Sang Hong.
Ayon sa NBI, naaresto ang dalawang Vietnamese sa isinagawang operasyon ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) sa kanilang clinic noong Agosto 15 sa Parañaque City.
Sinampahan sila ng kaso sa Parañaque Prosecutor’s Office ng illegal practice of medicine sa ilalim ng Sections 8 and 28 ng Medical Act of 1959, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012; sale of unregistered health products at mga produktong pangkalusugan na pinaghalo o maling tatak sa ilalim ng Section 11(a) ng Food and Drug Administration Act; at pagbibigay o pagbebenta ng mga produktong parmasyutiko sa ilalim ng Philippine Pharmacy Act.
Samantala, si Suk na isang South Korean national ay naaresto sa loob ng kanyang clinic sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
“Since Subject Suk could not present a license or accreditation, he was immediately arrested,” ayon sa NBI.
Nakuha sa kanyang klinika ang mga bakuna, antibiotics, iba pang gamot na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA), at isang laptop.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, si Suk ay sinampahan ng kaso sa paglabag sa Medical Act of 1959, as amended, at sa FDA Act of 2009(Leonard Basilio)