Breaking News, Nations

25% TAX DISCOUNT SA MEDICAL FRONTLINERS

KINALAMPAG ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang mga kapwa kongresista na agad aprubahan ang panukalang naglalayong bigyan ng diskuwento sa binabayarang buwis ang medical frontliners.

Sa kanyang sponsorship sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Salceda ang “special exemption” na ito ay pagkilala na rin sa serbisyo ng medical frontliners lalo na sa panahon ng pandemya.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25 porsyentong discount ang buwis na babayaran ng medical frontliners para sa taxable year 2020.

Kaugnay nito, inaasahang aabot sa P2.3 bilyon ang mawawalang kita ng pamahalaan sa oras na maisabatas na ito.

Gayunman, naniniwala si Salceda na maraming medical professionals ang mahihikayat na maging fronliners, na sakto rin kapag makarating na sa Pilipinas ang mga bakuna kontra COVID-19.

Bukod sa mga doktor at nurses, sakop din nito ang iba pang medical frontliners gaya ng administrative employees, support personnel at staff ng mga medical institutions, na ayon sa Department of Finance ay aabot nang hanggang 270,619. (Eloise L.)